09 October 2008

Pisong Tumpok

[Para sa Malikhaing Pagsulat 10. :D Hindi kasi ako sigurado kung kailangan pa naming ipost sa blog o hindi. So, there. Mahaba, pare.]

“I’ve become so numb, I can’t feel you there.”

'Yang kantang 'yan na naman. Malakas. Nakaiirita. Hindi ko nga alam ang pamagat e. Pero ayos na rin, gising kaagad ako kapag nag-alarm ang cellphone. Ano'ng oras na nga ulit?
Alas-kuwatro. Hindi ko sasabihing na naman. 'Ba, bihirang gan'to ang gising ko. Alas-tres madalas, para mag-aral. Pero kailangan ko ng tulog ngayon. Sabi ni Bianca, ang lalaki na ng eyebags ko. Hindi naman ako naniniwala. Pero dahil gusto ko rin naman ng mas mahabang tulog, huli ng isang oras ang gising ko sa araw na 'to.
Pagka-init-init ng kape ko sa mesa sa kusina. Handa na ‘yung almusal, parang larawang pambungad t’wing umaga. Tumusok ako ng hotdog, hiniwa ko ng tinidor sa plato pero medyo pinaglalaruan ko lang. Bihira akong may gana kapag bagong gising.
Naamoy ko ‘yung pabango ni Mama. Tapos ‘yung cologne ni Dad. Nakahihilo kapag nagsama ‘yung mga amoy nila, pero gustong-gusto ko. Sila lang ang may amoy na gano'n. Amoy na nakakapit na rin sa mga upuan ng kotse. Kailan ba 'ko huling sumabay umalis? Para kasing iba na ngayon. Kapag magkakasama kaming tatlo sa kotse, hindi ako makahinga. Hindi ko alam kung sino'ng lumayo kanino. Basta, may distansya.
Sinubo ko ‘yung kap'rasong hotdog. Napatingala ako habang ngumunguya. May dalawang nakaupo sa kabilang banda ng bilog na mesa.
Hindi ko sila makilala.
Hindi ako nagpapaka-deep. Hindi ko sila makilala. Seryoso. Literal.
Tinignan kong mabuti ang mga mukha nila. Palipat-lipat ang titig ko. Natataranta. Nagmamadali.
Parehong mga mata. Parehong mga ilong. Parehong mga bibig.
Kinuskos ko ang mga mata ko. Natulog ba 'kong may contact lenses?
“Late yata ang gising mo, Ethan.”
Mama ko 'yon! Hindi ako pwedeng magkamali. ‘Yung isa ba sa dalawang nakaupo ang nagsalita? Kaboses ba n'ya si Mama? Magsalita ka ulit, please naman. Titingnan ko lang. Please naman.
Tumayo sila pareho. Lumapit. Napatindig ako. “Una na kami.”
Hinawakan ako sa balikat ng isa. ‘Yung isa, hinalikan ako sa noo. Parang dinadala ng humihina nilang mga yabag ang mga amoy nila. Unti-unti ring nawala ang hilo ko.
Hindi ako pwedeng magkamali.
Tumakbo ako papuntang banyo. Tiningnan ko ang sarili ko sa salamin. Ayun ‘yung tulo kagabi ng afritada sa t-shirt ko. Ayun ‘yung nunal sa kaliwang braso na bigla na lang lumitaw pagkatapos kong ma-sunburn no'ng bakasyon. Ayun ‘yung peklat ko sa siko na ayaw tumigil sa pagdugo no'n dahil malalim ang sugat na ginawa ng basag na windshield ng kotse ni Bianca. Ayun ‘yung puting guhit sa kuko ko dahil kulang ako sa vitamin C. Ayun ‘yung lahat ng kung sino ako maliban sa isa.
Ayun ‘yung mukha ko, hindi ko makilala.
Naisip ko tuloy ‘yung mga drama sa local channels tuwing gabi. Ang ganda-ganda ng bida. Tapos, sa inggit ng kontrabida, may gagawin siya para masira ang mukha ng bida. Bubuhusan n'ya ng muriatic. Tutusukin n'ya ng ice pick. Papasuin n’ya ng plantsa. Maoospital ang bida. Gigising na lang siyang may malaking peklat sa mukha o sarado na ang isang mata. Hindi na n'ya makikilala ang sarili. Iiyak siya buong episode.
Mas kapana-panabik pa kung ano'ng gagawin ng kontrabida kaysa sa reaksyon ng bida pagkatapos. Lagi lang naman umiiyak.
Gan'to pala 'yon. Gan'to nga siguro 'yon. O gan'to nga kaya? Iba naman ang sa tv, gawa-gawa lang 'yon e. Ito, totoo. Ito, nangyayari ngayon. Ito, nasa harap ko. Ito, nararamdaman ko. Ang gulo. Ano nga ba'ng nangyari? Pero kahit hindi ko makilala ang mukha ko, hindi ko matanggap ‘yung ideyang estranghero ako sa mismong sarili ko. Siguro dahil ayokong tanggapin na sa isang iglap, sa isang ordinaryong umaga, magbabago ang lahat. O mag-uumpisa ang lahat dahil wala na 'kong kilala. Dahil wala na 'kong alam. Pero sa totoo lang, mas madali nga siguro 'yon, ‘yung bigla na lang mabubura lahat. Dahil ngayon, may nagbago lang. At masakit, masaklap, kasi kung ano ‘yung nagbago, 'yon ang hindi ko binigyang-halaga mula umpisa.
Sana, parang tv na lang. Sana, pwedeng umiyak na lang.
Pumasok ako. Muntik na 'kong abutan ng pagsara ng prof ng pinto. Punuan na naman kasi ang Toki. Bakit, ano ba'ng dapat gawin? Magmukmok? Magpakabaliw sa natuklasang kabaliwan? Sa totoo lang, hindi ko rin alam. Kaya ginawa ko na lang kung ano ‘yung normal, kung ano'ng ginagawa ko no'ng alam ko pa kung sinong guard ang naghahanap ng ID, kung sinong kaklase ang laging may assignment, kung sinong prof ang paborito akong tawagin. Pati kung sino ako. O kung ano'ng itsura ko.
Ang bigat sa dibdib. May maling hindi ko alam kung pa'no ibalik sa dati. May mali at wala akong mapagsabihan. Wala akong mapagsabihan dahil wala akong makilala. 'Yon ang mali. Umiikot lang. Parang walang katapusan.
Tinitigan ko ang bawat isa sa paligid ko. Pare-pareho. Pati kapal ng kilay, laki ng itim ng mata, lapad ng ilong, hiwa sa labi – lahat pare-pareho! Nanikip ang dibdib ko. Gusto ko silang pabanguhan ng iba't ibang nakahihilong amoy. O lagyan ng nunal sa magkakaibang parte ng mukha. O sugatan para magkapeklat. O buhusan ng muriatic. Kahit ano, basta magka-iba-iba lang. Kahit ano!
Nagkalat ang gamit ko sa sahig. Nanghina ako. Hinawi ko yata ng kanan kong braso ‘yung malaki kong libro sa molecular biology, ang sakit tuloy. Lahat ng mata sa paligid, pare-pareho namang nanlalaki ngayon. Nagalit ako. Sa kung ano, sa kung sino, hindi ko rin matukoy. Bakit bigla-bigla na lang ganito? Bakit hindi na lang unti-unti, para kahit papa'no handa ako? Bakit ako? Bakit hindi ‘yung gustong makalimot? Bakit hindi ‘yung talaga namang hindi kumikilala? Bakit hindi ‘yung talagang baliw na? At damay pati mga mahal ko? Bakit pati si Mama't Dad? Wag namang pati si Bianca!
“Ano'ng problema?”
Siya na 'yon. Sigurado. Ganyang-ganyan kapag nag-aalala siya. Parang kapag hindi pa siya nakapagbasa ng readings, o nakasagot ng problem set, o nakapag-aral para sa exam. 'Yon nga lang, sampung beses ng normal na pag-aalala ang bakas sa boses n'ya ngayon. Unang pagkakataon n'ya yata akong nakitang magwala.
Ayoko siyang tingnan. Natatakot akong baka hindi siya maiba sa bawat taong nakita ko mula kaninang umaga. Natatakot akong kapag natitigan ko ang mukha n’ya, wala akong matandaan, wala akong mapanghawakan. Natatakot akong makalimutan pati ang pinagsamahn namin mula bata pa kami. Natatakot akong mawalan ng pinakamatalik na kaibigan.
“Hindi kita kilala.”
Gano'n lang talaga siguro. May mga bagay na hindi mo mapipigilang mawala. May mga bagay na kahit gaano mo binigyan ng importansya, kahit gaano mo pinrotektahan, guguho't guguho rin lang balang araw. Lalamunin ng pagbabago. Tatalunin ng problema. Tutunawin ng kahinaan.
Umuwi ako. Ano'ng dapat gawin? Matapos tanggihan ang tanging bagay na kailangan ko, matapos magsinungaling dahil nagpatalo ako sa gulong sumusukob sa isip ko, matapos gumawa ng sarili kong kahihiyan, ano'ng dapat gawin?
Humiga ako. Ang lakas ng ulan sa labas. Sigurado, sira na naman ang internet connection. Ayos pa ba'ng mag-Friendster kahit hindi mo na kilala ang mukha ng mga tao? Lahat naman ay may mata, may ilong, may bibig. Pero pa'no nga ba nagkakaiba? Kailan mo masasabing ang isang tao'y kilala mo na? Kaibigan mo na?
May kumatok sa pinto. Nakakainis, may tao na naman. Nakakainis, manghuhula na naman ako kung sino 'yon. Nakakainis, isasampal na naman sa'king totoo lahat ng 'to. Na baka hindi na talaga ako makakilala. Na posibleng habang buhay na 'kong takot sa mga tao dahil estranghero silang lahat. Dahil pare-pareho silang lahat. At kapag humarap ako sa salamin, makikita kong kapareho ko sila. At matatakot na rin ako sa aking sarili.
Bumukas ang pinto.
Bahala na. Kung sino ka man, wag mo 'kong kulitin. Wag mo 'kong tanungin kung ano'ng mali, kung ano'ng problema. Dahil hindi ko rin alam. Dahil natatakot akong maintindihan. Kung sino ka man, hindi kita natatandaan. O matatandaan. Kapag nagkita tayo ulit, pasensyahan na lang.
Nakasisilaw ang dilaw. Kahit mapusyaw na sa ilang beses nang kalalaba. May berdeng Look Out Lodge print sa harap, parehong-pareho ng sa t-shirt ng bida sa Naturally Sadie sa Nickelodeon. Ayoko ng damit na 'yan dahil napuno ko minsan ng dugo. Ito pa nga ang peklat ng isa sa mga sugat, nasa siko ko. Hindi madaling matanggal gaya ng mantsa.
“Naiwan mo ‘yung psychology book mo.”
Ganyan din kalumanay ang boses n'ya no'ng sinugod n'ya ako sa ospital.
Gusto ko siyang tawagin. Gusto kong isigaw ang pangalan n’ya para mabawi ang sinabi ko kanina. Gusto kong sabihing kalimutan na lang naming pinagtabuyan ko siya. Gusto kong sabihing ang importante ay ang pagkakakilala ko sa kanya ngayon, ang pagiging iba n'ya sa ibang tao kahit na wala akong makita kapag tinitingnan ko ang mukha n'ya.
Lumapit siya. Napaupo na lang ako.
Paano ba dapat simulan? Paano sinasabi ang problema kung hindi naman ito naiintindihan?
“Hindi ko alam, Bianca, pero hindi ako makakilala ng mukha.”
May mga bagay na kinakabisado ng tao mula umpisa hanggang dulo. May mga pangyayaring tinatanggihang makalimutan, kahit na ang mga maliliit na detalye nito. May mga tagpo sa buhay na paulit-ulit na inaalala. May mga oras na habang tumatakbo, alam mong gugustuhin mong balik-balikan balang araw.
Hindi gano'n ang pangyayaring ito.
Unang mga salita na lang ang natatandaan ko. Pero sigurado akong 'yon ang pinakamahabang mga minuto ng buhay ko. Siguro dahil hindi pa nag-uumpisa'y gusto ko nang matapos. Siguro dahil wala akong mukhang matitignan no'n na magsasabi sa 'king binibigyang-liwanag ng kung ano mang pinagsasabi ko ang kap'rasong alam ko sa sitwasyon. Siguro dahil sa pagsasalita kong 'yon, sinabi ko rin sa sarili kong tanggapin na ang problema, pati ang posibleng kawalan ng solusyon nito. Siguro dahil sa buong panahong 'yon, kinakalabit ako ng ideyang ang pagtanggap na lang sa problema ay pagpapatalo rito.
Kumuha siya ng papel. Kasing lapad ng gamit 'pag nagpriprint ng dot matrix sa library. Parang hinugot lang kung saan. Kumuha siya ng lapis sa bag. Akin naman talaga 'yon, hiniram n'ya lang minsan. Napudpod na nga n'ya ‘yung pambura.
“I-drawing mo nga ang mukha ko.”
Nagulat ako. Akala ko, natatapos na lang ang lahat kapag nagsabi na ako. Pero sinusubukan n’yang solusyunan ang problema. Bakit hindi ko 'yon naisip gawin? Kung sa bagay, si Bianca naman talaga ang palaban sa aming dalawa. Sinasama o sinasamahan lang naman ako lagi sa laban. At dahil hindi nga naman ako palaban, hindi naman ako tumatanggi. Hanggang sa kasama na rin ako sa panalo sa huli.
Sa pagpapa-drawing ni Bianca, nagsimula siya ng laban. Pero kung nagawa nga n'ya akong isama, siguro'y kalahati lang ng loob ko ang may gusto. Dahil pakiramdam ko, sarili ko ang nilalabanan. Ang problema ang kaaway, oo. Pero hindi ba't tinanggap ko na ang problema? Tatanggihan ko ba 'yon ulit? O si Bianca ba ang tatanggihan ko?
At pagkatapos ng lahat, sino'ng panalo?
Nakaramdam na naman ako ng takot. Bakit kailangan pa n'yang gawin 'to? Sana sinabi ko na lang ang pangalan n'ya kanina pa para hindi na siya nakagawa pa ng gan'tong drama. Sana sinabi ko na lang na ayos na.
Pero hindi naman ako palaban. Makahihindi ba naman ako?
Kinuha ko ‘yung papel. Nabasa 'yon dahil namamawis ang mga kamay ko. Inabot n'ya ‘yung lapis. Kinuha ko naman. O nilagay n'ya yata sa kamay ko. Ang mas alam ko ay ‘yung pakiramdam. Pakiramdam ko'y mag-isa na lang ako. Sa unang pagkakataon, mag-isa na lang ako sa laban. Kung sarili ko mismo o problema ang kaaway, wala na akong masyadong pakialam. Ang importante, manalo ako. Hindi para lang matapos na ang takot na ayokong kumontrol sa aking sarili, kundi dahil ganito nararapat harapin ang sitwasyon.
Sinimulan ko na. Ginawa ko ‘yung tinurong basic drawing ng kaklase ko sa Math. Puro bilog, nakakatawa. Tapos nilagyan ko ng hugis. Tapos detalye. Dapat maingat dahil walang pambura.
Mabilis kong natapos. Hindi ang mukha ni Bianca ang dinrawing ko, hindi ko na kaya ‘yon. Dalawang kamay na may dugo na lang. Kung sa bagay, ‘yon naman ang matatandaan ko habang buhay tungkol sa kanya. Sa pagguhit ko tinuldukan ang lahat ng takot at gulo sa isip ko. Hindi ko pa rin lubusang naintindihan kung ano'ng nangyari sa'kin. Pero ang mas importante, may kapanatagan ako. Hindi ko kailangang manghawakan sa pagkakaiba ng mukha ng mga tao sa paligid ko para magkaro'n ng kapanatagan. Hindi matatagpuan ang kapanatagan sa ibang tao.
Sinulatan ko ang kanang bahagi ng papel, sabay abot kay Bianca. Binasa n’ya.
“Your goodness makes me recognize you.”

Alas-kuwatro na naman. Hindi ko na masyadong inagahan ang gising. Hindi pa rin naman ako naniniwalang ang lalaki ng eyebags ko, hindi ko naman maiba sa eyebags ng ibang tao. Gusto ko lang talagang matulog.
Sa mesa sa tabi ng kama ko, nakabukas ang libro ko sa psychology.
“Prospagnosia.”
Sa pagbulong kong ‘yon ng problema, wala na akong takot o kaguluhang naramdaman. Hinagod ng paningin ko ang isang pangungusap na ilang beses ko ring binasa kagabi bago nagkaroon ng kahulugan sa ‘kin. A form of visual agnosia characterised by difficulty with face recognition despite intact low-level visual processing.
Dumiretso ako sa banyo. Ayun ‘yung talsik ng spaghetti sa dibdib ngt-shirt ko. Ayun ‘yung nunal sa kanang braso ko. Napapangisi ako kapag naaalala kong bigla na lang sumulpot 'yon. Parang marka ng mga oras na masaya, na hindi naman planadong maging masaya pero nagiging gano'n na lang. Hinawakan ko ‘yung peklat sa siko ko. Ayun pa rin. Hindi na 'yon mawawala. Gaya ng storyang nakakapit dito. At katangian ng mga taong tauhan sa kuwento.
Ayun ‘yung mukha ko.

No comments: